Ayn

Agosto 5, 2012 § 1 Puna

Dear God,

Hi hi.

Ako po si Ayn. 30 years old, single at myembro ng internationally recognized organization na NBSB (No Boyfriend Since Birth). Isa po ako sa masugid ninyong taga-sunod at gusto ko pong kunin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa lahat ng blessings na ibinigay ninyo po sa akin.

Naging consistent honor student po ako mula elementary hanggang high school dahil sa wisdom at intelligence na ibinigay ninyo sa akin. Pagdating naman po ng college, naka graduate din po ako on time at naging president pa ng Alyansa Feminista, thanks to you! After po ng college, dahil sa matataas na grades ko, madali po akong nakahanap ng magandang trabaho, again, thanks to you! Ngayon, ako na po ang senior vice president sa company kung saan ako nagwo-work and masasabi ko pong hindi ko magagawa ang lahat ng ito kung wala kayo sa buhay ko.

God, maraming salamat po talaga sa lahat ng mga blessings. However, may bumabagabag po sa akin. Binigay ninyo po ang lahat ng mga blessings na ito pero parang may nakalimutan po kayo – ang aking prince charming.

30 anyos na po ako pero hindi ko pa rin po nararanasan magkaroon ng boyfriend kahit minsan. Madalas po akong mainggit sa iba kong mga kaibigang babae na mayroon nang mga asawa or mga boyfriend or even mga ka-fling lalo lalo na kapag nagku-kwentuhan po kami. Lagi po akong na-o-OP sa kanilang lahat sa kwentuhan lalo na pag related sa sex. Wala po akong ni katiting na idea sa pinag uusapan nila. Sawang-sawa na din po akong maging bridesmaid.

Alam ko po na ako’y gurang na . Aware din po ako na unti-unti na rin pong nawawalan ng silbi ang aking mga egg cells sa bawat araw na lumilipas na hindi po nila nakakadaupang-palad ang punlay ng aking prince charming. Minsan po, pumapasok sa aking isipan na may galit po kayo sa katulad kong babae. Na-stress po ako sa ideyang iyon.

Ang sabi po sa akin ng aking spiritual adviser ay buklatin ko ang Banal na Kasulatan at lumapit sa inyo kapag may bumabagabag sa aking damdamin at isipan. Sinunod ko po siya Lord ngunit ng buksan ako ang Aklat ng Mabuting Balita, ito po ang mga tumambad sa akin:

—-

1 Corinto Chapter 14:

Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila’y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.

1 Timoteo Chapter 2:

Ang mga babae ay hayaang matuto sa kanilang pananahimik at sa lubos na pagpapasakop. Hindi ko sila pinapayagang magturo o sumabat habang ang mga lalaki ay nagtuturo, kundi dapat silang manahimik.

Levitico 15:19-33

“Ang sinumang babaing nireregla ay pitong araw na ituturing na marumi. Ituturing ding marumi hanggang gabi ang makahawak sa kanya. Ang anumang kanyang mahigaan o maupuan sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi. Ang sinumang makahipo sa higaan niya ay dapat maligo, lalabhan nito ang kanyang kasuotan, at siya’y ituturing ding marumi hanggang gabi. Ang sinumang makahawak sa anumang maupuan ng babaing ito ay dapat ding maligo, lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Ang makahawak ng anumang nasa hinigaan o inupuan ng babaing iyon ay ituturing na marumi hanggang gabi. Sinumang lalaking makipagtalik sa babaing may regla ay pitong araw na ituturing na marumi. Anumang kanyang mahigaan ay ituturing ding marumi.

“Kung ang sinumang babae ay dinudugo nang wala sa panahon, o lumampas kaya sa takdang panahon ng kanyang pagreregla, ituturing siyang marumi habang siya’y dinudugo, tulad nang siya’y nireregla. Ang anumang mahigaan o maupuan niya sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi, tulad din ng siya’y nireregla. Ang sinumang makahipo sa mga bagay na ito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuotan at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Kung huminto na ang kanyang pagdurugo, siya’y bibilang ng pitong araw mula noon at magiging malinis na siya. Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati at dadalhin niya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ihahandog ang isa nito para sa kasalanan, at ang isa nama’y handog na susunugin. Sa ganitong paraan lilinisin siya ng pari sa harapan ni Yahweh.

—-

Lord, sinubukan ko pong i-digest ang mga verses na ito na nasa Banal na Kasulatan ngunit kahit anong pilit ko po ay hindi ko ma-deny sa sarili ko na parang may pagka-sexist po ang dating ng mga verses na iyan. Misogynistic even. Naniniwala po ako na ang salita ninyo ay hindi mababali dahil kayo po ang Diyos na makapangyarihan sa lahat subali’t hindi ko po matanggap na ganito po ka-primitibo ang tingin ninyo sa papel ng mga babae sa kasalukuyang lipunan. Madami na pong nagbago sa pamumuhay namin dito sa mundo at sa tingin ko po ay hindi na angkop ang inyong mga kautusan na iyan sa estado ng mundo sa panahong ito.

Panginoon, kaya po ba hindi ko pa natatagpuan ang aking magiging kabiyak habang buhay ay dahil hindi ko nasunod ang inyong kagustuhan base na rin sa nakasulat sa Banal na Kasulatan? Kung hindi po ako nag speak-up at hindi po ako naging pala-sagot sa mga recitation ay malamang wala ako sa kinalalagyan ko ngayon.

Nawa po ay bigyan ninyo ng liwanag ang aking nalilitong isipan.

Sumasainyo,

Ayn

*****

Dear Ayn,

Salamat sa iyong mensahe.

Wala ako sa aking trono ngayon. Araw ng Linggo, araw ng pahinga.

Bukas lamang ang tanggapan mula Lunes 12 AM hanggang Sabado 11:59 PM

Mangyaring magpadala muli ng mensahe sa mga oras at araw na nabanggit.

Ito ay isang otomatikong sagot.

Ito ang salita ng Diyos.

Your Alpha and Omega,

God

Where Am I?

You are currently browsing entries tagged with ayn at Itanong Mo Kay God.

%d bloggers like this: